“Anong makakain natin kung hindi ako mag-aabroad? Diyos ko! Pare-pareho lang tayong mamamatay na dilat ang mga mata dahil sa gutom! Walang kinabukasan kung manatili ako dito sa baryo natin”
Ito ang sambit ni Aling Juana habang inilalagay ang mga natuping damit sa isang lumang maleta na hiningi pa niya sa kanyang kumare. Nakatakda siyang lumipad mamayang hatinggabi upang magtrabaho bilang isang domestic helper sa Lebanon.
Kasabay ng kanyang pag-alis ay ang pag-iwan naman niya sa kanyang anim na mga anak sa pangangalaga ni Mang Ronnie, ang kanyang asawa na kalalabas lamang ng ospital matapos operahan sa likod nang mabagsakan siya ng mga construction material sa dati niyang pinapasukang trabaho. Walang magawa si Aling Juana kundi ang magsakripisyo’t mangibang-bansa dahil baon na sila sa pagkakautang at magkokolehiyo na rin ang kanyang panganay sa susunod na pasukan, kahit na nangangahulugang ito na mawawalay siya sa kanyang pamilya.
Sa kanyang pag-alis, labis na lamang ang pagluha’t “pagdadalamhati” ng kanyang mga anak subalit walang magawa si Aling Juana kundi ang yakapin niya ang mga ito at pilit na ipinapaintindi ang dahilan kung bakit niya kailangang umalis at mangibang-bansa at manilbihan sa mga amo niyang dayuhan na sa panaginip o guni-guni man lang ay hindi niya kilala ang mga ito, ni wala siyang kaalam-alam kung ano ang magiging kapalaran niya sa kanilang mga kamay.
Nabuhayan ang kanyang mga anak nang ipinangako nito sa kanila na ibibili niya ang mga ito ng kanilang mga gustong laruan, damit, sapatos, gadgets at kung ano pang naisin nila.
Isang halik at wala na si Aling Juana sa paningin ng kanyang mga anak.
Ganito ang tipikal na sitwasyon ng ibang pamilyang Pilipino ngayon at maging sa hinaharap. Hindi na uso ang kumpleto sila sa hapag-kainan dahil kadalasan, sa bawat tahanan, mayroong isa o dalawang miyembro ang nagtatrabaho’t kumikita ng malaking salapi sa ibang bansa: malaking salapi na hindi nila makikita sa Pilipinas.
Ang pangingibang-bansa nga ay isang sugal, ayon na rin mismo sa mga Overseas Filipino Worker (OFWs). SUGAL, sapagkat hindi nila alam kung anong magiging kapalaran nila sa ibayong-dagat: kung mananalo sila’t maiaahon nila ang kanilang mga naiwang pamilya sa kahirapan o matatalo’t maisasadlak lalo sa kahirapan ang kanilang mga pamilya na umaasa sa kanila.
Oo nga’t malaki ang kanilang nakukuha’t maipadadala sa Pilipinas, kakambal naman nito ang malaking sakripisyo-ang pagkawalay nila sa kanilang mga pamilya at manilbihan sa mga dayuhang kaiba nila ng paniniwala’t prinsipyo at ng bansang kanilang pinagtatrabahuhan na mayroong sariling mga batas at kaparusahan. At sa kanilang pag-alis, ang tanging baon lamang nila sa Poong Maykapal upang gabayan sila sa kanilang tatahakin, maging sa mga naiwan nilang pamilya sa Pilipinas.
Did you find this story interesting? If so, please let others know.
Click Here To Return To The Home Page
- Excited
- Fascinated
- Amused
- Bored
- Sad
- Angry






