Second year college ako nang huminto ako sa pag-aaral dahil nawalan ng trabaho ang aming ama matapos malugi’t magsara ang pinapasukan niyang pabrika. Wala siyang ipon sa bangko, ni sa kanyang alkansya man. Ang aming ina naman ay isang labandera na madalang kumita ng malaki-laki sapagkat kakaunti lamang ang nagpapalaba sa kanya. Halos gumuho na ang aking pangarap na maging isang guro nang mapagpasyahan ng aming mga magulang na ako ay tumigil muna sa pag-aaral. Sa halip, pinayuhan nila akong pumasok bilang kahera/saleslady sa isang malaking mall sa aming bayan. Labag man sa aking kalooban ngunit pumayag ako sa kanilang kagustuhan. Kailangan ko rin itong gawin upang may makain ang aking anim na mga kapatid.

kwentong ofw hongkong

Araw-araw, maraming pumupuntang mga naka-uniform na mga college student sa aking pinagtatrabahuan. Masakit mang aminin ngunit ako ay naiinggit sa kanila. Oo! Inggit na inggit ako sa kanila dahil nakapag-aaral sila at kaunting tiyaga na lamang nila ay makahahanap na rin sila ng kani-kanilang trabaho. Samantalang ako, kahit ano pang ipon at pagtitipid ang gawin ko ay mananatili pa rin akong kahera/saleslady sa loob ng grocery shop na ito, nagsisilbi at nakatayo sa loob ng halos walong oras kapalit ng kakarampot na salapi.

Lumipas ang isang taon at nakapagtapos na ng hayskul si Lena, ang sumunod sa akin. Pangarap niyang maging isang stewardess balang araw ngunit sa kalagayang pinansyal namin ay mananatili itong isang pangaarp. Baka nga ni gate ng pinakamalapit na pamantasan sa kabilang bayan ay hindi niya masilayan. Dalawa lang kaming nakapagtapos ng hayskul samantalang si Allan, ang sumunod sa amin, ay huminto na’t pumasok bilang construction laborer sa pinapatayong mansion ni Congessman sa kabilang kanto. Si Corazon naman ay hanggang Grade 6 lang ang natapos at naroon sa bahay upang bantayan ang dalawa pa naming batang kapatid, sina Alfred at Moses.

 

Sa totoo lang, naaawa ako sa aking mga kapatid sapagkat sila ang lubos na naaapektuhan sa aming nararanasang kahirapan. Hindi man lang sila makapag-aral o makatikim man lang ng masasarap na pagkain sa hapag-kainan. Minsan, sinisisi ko ang aking mga magulang sa aming kalagayan. Kung nag-aral at nakatapos lamang sila e hindi na sana namin mararanasan ang ganitong sitwasyon. Ngunit, ano bang magagawa ko kung lumaki rin sila na taglay ang sistemang “isang kahid, isang tuka”? At ang kahirapang aming nararanasan ngayon ay pamana’t sumpa pala buhat pa sa aming mga ninuno? Sinisi ko rin ang Panginoon sa aming kahirapan. Kung Siya ay makapangyariha’t mapagmahal sa lahat, bakit hinahayaan Niyang maghirap kami ng ganito? Bakit hindi Niya kami ginawang mayaman tulad ng iba kung pantay-pantay naman ang tingin Niya sa lahat ng Kanyang nilalang? Sa lahat ng aking mga katanungan, wala man lang sagot kahit isa man lang sa mga ito. Ang tangi ko lang magagawa ay harapin ang realidad ng aming kapalaran: na hindi lahat ng gustuhin ko ay makukuha ko.

Dumating ang isang araw nang tawagin ako ng aking kaibigan upang magtrabaho bilang domestic helper sa Hong Kong. Sa una, hindi ako pumayag at sinabing hindi ako interesado sa kanyang alok dahil nangangahulugan ito ng pagkawalay sa aking pamilya. Ngunit, nangibabaw sa aking utak ang aking mga pangarap hindi lamang para sa aking sarili kundi para sa aking mga magulang at mga kapatid. Nasilaw din ako sa malaking sahod na aking kikitain doon. Wala akong nagawa kundi ang mangutang sa aking mga kaibigan, kapitbahay, kakilala at maging sa mga Bombay para makalipad patungong Hong Kong. Wala ring nagawa ang aking mga magulang kundi payaga’t suportahan ako sa aking desisyon. Tanging luha’t dasal ang ipinabaon nila sa aking paglisan.
Domestic helper man ang tawag, katulong pa rin ang labas. Kahit pagbali-baliktarin man ang mundo, parehas pa rin sila. Ang kaibahan nga lamang nila ay sumasahod ng triple o higit pa ang isang domestic helper kaysa sa isang katulong sa Pilipinas.

Mapalad ako dahil mababait ang mga amo kong Tsino. Itinuring nila ako hindi bilang isang hamak na katulong kundi bilang parte ng kanilang pamilya. May tatlo silang mga anak, isang babae at dalawang lalake. Hindi ko lubos na masasabing mababait ang aking mga alaga dahil palagi nilang inaaway ang isa’t isa. Madalas na wala ang kanilang mga magulang dala na rin siguro ng kanilang negosyo: isang shipping company. Ako lamang ang nag-iisa sa bahay tuwing nasa paaralan ang mga bata.

Laba, luto, hugas, linis, plantsa…ang schedule ko araw-araw. Halos magsawa na ako sa mga ito. Tanging ang pangarap na makaahon mula sa kahirapan ang aking pamilya sa Pilipinas ang nagsisilbing inspirasyon ko upang kayanin ang mga ito.

Wala naman akong masabi sa aking mga amo dahil wasto at regular naman ang tinatanggap kong sahod mula sa kanila na siya ko rin namang ipinapadala sa aking pamilya sa Pilipinas. Pinapayagan din nila akong mag-day-off at gumala tuwing Lunes kapag nasa bahay sila. Naibsan din ang aking pangungulila sa aking pamilya sapagkat pinapayagan ako ng babae kong amo na mag-online at makipagchat via Yahoo! sa aking pamilya.

Unang Pasko at Bagong Taon na hindi ko kasama ang aking pamilya. Naalala ko pa na sama-sama kaming nagsisimba palagi tuwing bisperas ng Pasko at salu-salong kumakain ng aming munting handa sa Noche Buena. Ngunit, heto ako ngayon, nag-iisa sa aking kuwarto, walang mapagkukwentuhan ng sama ng loob at isa lamang akong hamak na katulong sa lugar na pera lamang ang tanging lenggwahe ng mga tao.

Lumipas ang dalawang taon at nakapagpadala ako ng isang malaking balikbayan box sa aking pamilya. Laman nito ang pawis ko’t pangungulila sa kanila. Narito ang mga bagay na hiniling ng aking mga kapatid tulad na lamang ng mga damit, sapatos, laruan, tsokolate at ilang mga grocery item. Hindi ko rin nakalimutang bilhan ng “couple watch” ang aking mga magulang. Naglagay rin ako ng aking “latest photo” na kinunan sa isang resort park noong isang linggo nang isama ako ng aking mga amo upang mamasyal. Nakangiti ako sa larawang iyon hindi dahil masaya ako sa aking kinahantungang trabaho kundi gusto ko lamang makita nila akong masaya para na rin sa ikagagaan ng kanilang kalooban.

Lumipas pa ang isang taon nang matapos ko ang aking employment contract. Paso na rin ang aking working visa. Nagpasya akong irenew ang mga ito at manilbihan muli sa aking mga amo. Bilang pasasalamat na rin siguro nila sa akin, binigyan nila ako ng isang linggong bakayon sa Pilipinas upang makita ko muli’t makapiling pansamantala ang aking pamilya. Sinagot na nila ang aking airplane ticket.

Sa aking pagbabalik sa aking pamilya, marami nang nagbago. Wala na ang tila kubo naming bahay noon. Malaki na ang bahay namin, two-storey pa. Nakagaan sa aking pakiramdam kahit papaano ang makita ang aking mga naipundar sa loob ng tatlong taong pagtatrabaho’t pangungulila sa ibang bansa. Mula bahay, mga kasangkapan at maging sa tricycle, tunay ngang malaki na ang iginihaon ng aming pamilya.

Malalaki na rin ang aking mga kapatid. Lahat sila ay nag-aaral na. Si Lena ay third year BS Tourism student; second year high school si Corazon; grade 6 si Alfred at grade 3 naman si Moses. Si Allan naman ay hindi na bumalik sa pag-aaral kahit anong pilit ko sa kanya. Sa halip, siya ang katuwang ng aking ina sa pagpapatakbo ng aming maliit na tindahan. Malakas pa rin ang aking mga magulang sa kabila ng kanilang matandang edad.

Sa aking maikling bakasyon ay nakita ko rin ang ilan sa aking mga kaibigan at kaklase buhat pa noong elementary. Lahat sila ay nangag-asawa na’t may mga anak na rin. Tinatanong nga nila ako kung bakit single pa rin ako hanggang ngayon e marami naman daw gwapo sa Hong Kong at hindi naman daw maipagkakailang may itsura ako. Tanging ngiti’t tawa na lamang ang aking tugon sa kanila sapagkat sa aking puspusang pagtatrabaho ay tila wala na sa memorya ko ang pag-ibig. Ngunit hindi naman ako nababahala dahil para sa akin, mas mahalaga pa rin ang aking pamilya kaysa pagbo-boyfriend.

Kulang ang pitong araw kong bakasyon para ikuwento sa aking mga magulang at mga kapatid ang lahat ng aking naging karanasan sa abroad. Sa aking pag-alis, wala ng luha ang pumatak sa kanilang mga mata at tanging yakap at halik na lamang ang kanilang pabaon. Tanda na para bang tanggap na nila na hindi sa lahat ng oras ay nasa tabi nila ako.

Laba, luto, hugas, linis, plantsa… balik-DH na naman ako. Naalala ko pa noong bago pa ako rito ay ayaw ko ang aking trabaho ngunit sa paglipas ng panahon ay tinanggap at minahal ko na rin ito. Ang aking pangarap na maging isang guro ay nawala na sa aking isip. Ang nasa isip ko na lamang ay kung paano ko pagsisilbihan ng maayos ang aking mga amo upang hindi magbago ang turing nila sa akin.

Sa aking paglabas-labas at pamamasyal tuwing day-off ko ay nagkaroon ako ng mga kaibigang mga Pinoy. Tulad ko, mga DH rin sila, naninilbihan sa mga taong hindi naman nila kaano-ano. Gaya ko, kailangan nilang gawin ito dahil naghahangad sila ng magandang buhay hindi lamang para sa kanilang mga sarili kundi para sa kanilang mga pamilya.

Halos limang taon na rin ang aking itinagal dito sa Hong Kong at patuloy pa ring nagtatrabaho para sa ikabubuti ng aking pamilyang naiwan sa Pilipinas. Habang tumatagal, nasanay na rin akong mawalay sa aking pamilya. Ganap ng stewardess si Lena at katuwang ko na rin siya sa paghahanap-buhay. Isang taon na lamang at mapapaso na ang aking visa’t employment contract. Balak ko sanang bumalik na sa Pilipinas at magtayo ng kahit anumang legal na negosyo. Ngunit, tila may pumipigil sa aking balak. Tila may bsoes na bumubulong sa akin na manatili rito. Ganito nalang ba ang aking magiging kapalaran? Isang DH habambuhay? Hanggang kailan ako mawawalay sa kanila, sa aking pamilya at sa aking sariling bayan? Masakit mang aminin ngunit hindi ko masasagot ang aking mga tanong. Hangga’t kaya ko pang manilbihan, magtatrabaho ako bilang DH. Hangga’t kaya ko pang maging DH, magtiis ako. Kaya kong magtiis hangga’t hindi ko pa nakikita o nadarama na maganda na nga ang buhay ng aking pamilya sa Pilipinas.

Did you find this story interesting? If so, please let others know.

Click Here To Return To The Home Page

Thanks for rating this! Now tell the world how you feel via Twitter.
How does this post make you feel?
  • Excited
  • Fascinated
  • Amused
  • Bored
  • Sad
  • Angry